Commercial rollout ng Mislatel, target simulan sa 2020

Manila, Philippines – Target ng Mislatel Consortium na umpisahan ang kanilang commercial rollout ng kanilang network sa huling bahagi ng taong 2020.

Base ito rollout plan ng ikatlong telecom player ng Pilipinas na isinumite sa Senate public services.

Habang nakatakdang ipasa pa lamang sa National Telecommunications Commission (NTC) ang pinal na kopya ng rollout plan, sinabi ng Mislatel na ilulunsad nito ang komersyal na paggamit ng kanilang network, 20 buwan pagkatapos makakuha ng Certificate of Public Convenience and Necessity (CPCN).


Binigyan ng NTC ang Mislatel hanggang February 17 para kumpletuhin ang kanilang post-qualification requirements.

Isasailalim ang mga dokumento sa evaluation sa loob ng 15 calendar days at aatasan ang third telco na magbayad ng performance bond na nasa ₱25 billion.

Dito mag-iisyu ang NTC ng authentication sa performance security ng Mislatel.

Sa loob ng unang taong operasyon, titiyakin ng Mislatel na magkakaroon sila ng 37.03% nationwide coverage o katumbay ng higit 5,000 barangay sa buong bansa.

Inaasahang makapagbibigay sila ng average broadband speed na 24 Megabits per second o Mbps.

Ipaprayoridad ng Mislatel ang 17 lungsod at munisipalidad sa National Capital Region (NCR), susundan ang ilang lugar sa Central Luzon, Calabarzon at Ilocos Region.

Sa ikalawang taon ay ilulunsad na rin ito sa Cebu City, Davao City at sa 19 na iba pang siyudad sa bansa.

Sa ikatlong taon, makapagbibigay na ng serbisyo ang Mislatel sa 38 major cities at palalakasin ang coverage nito sa 107 ibang lungsod at dito rin ilulunsad ang rollout sa suburban areas.

Pagdating ng ika-apat at ikalimang taon, ang Mislatel ay may capacity na sa lahat ng 145 siyudad at may coverage na rin sa suburban at rural areas.

Sa katapusan ng five-year period, tinatayang nasa 84% ang maabot nitong populasyon o 20,000 barangay na may broadband speed na 55 Mbps.

Ang Mislatel Consortium ay binubuo ng Mindanao Islamic Telephone Company, Inc., China Telecommunications Corporation at ang Udenna Corporation at Chelsea Logistics Holdings Corporation ng negosyanteng si Dennis Uy.

Facebook Comments