Marawi City – Nanawagan ang Commission on Human Rights sa gobyerno na paigtingin ang pagtulong sa mga evacuees o bakwit sa Mindanao at bawasan ang mga isinasagawang air strikes sa Marawi City.
Nababahala na kasi ang CHR sa lumolobong bilang ng mga nasasawi sa Marawi.
Kasama na anila rito ang mga sibilyang nadadamay sa kaguluhan at mga evacuees na namamatay naman dahil sa sakit.
Nanawagan din ang komisyon na paigtingin din ng gobyerno ang pagbibigay nito ng serbisyong medikal at psychosocial sa mga bakwit, maging ang pagbibigay ng malinis at maayos na matutuluyan para sa mga ito.
Hinimok din ng CHR ang pamahalaan na alalahanin ang buhay ng mga sibilyang maaaring madamay sa air strikes na isinasagawa ng military lalo na’t may 1,000 sibilyan pa ang patuloy na naiipit sa Marawi.
Kinokondena naman ng CHR ang mga gawain ng Maute Group at umaasa silang mareresolba ng militar ang krisis sa lunsod.