Commissioning ng bagong frigate ng Philippine Navy sa June 19, hindi muna itutuloy

Ipagpapaliban muna ang handover ceremony at commissioning ng pinakabagong missile-capable frigate ng Philippine Navy na papangalanang BRP Jose Rizal (FF 150).

Ayon kay Philippine Navy Spokesperson Lt. Commander Maria Christina Roxas, dahil sa “unavoidable circumstances” kaya ipinagpaliban ang orihinal na naka-schedule na commissioning ng barko sa June 19, 2020 na kasabay sana ng araw ng kapanganakan ni Jose Rizal.

Ang pahayag ni Lt. Commander Roxas ay matapos na bigyan ng arrival ceremony ang barko at crew nito sa Subic Bay, Zambales kahapon makaraang makumpleto ang 14-day quarantine requirement.


Ang arrival ceremony ay pinangunahan ni Philippine Fleet Commander Rear Admiral Loumer Bernabe.

Ang bagong barkong gawa ng Hyundai Heavy Industries (HHI) ng South Korea ay may maiden crew na 65 sailors na pinamumunuan ng kanyang unang commanding officer na si Captain Jerry Garrido Jr.

Pormal ding itinurn over kahapon ang mga ikinargang Personal Protective Equipment (PPEs) sa barko na donasyon ng HHI at South Korean Government sa Philippine Navy.

Facebook Comments