Kamakailan ay naging viral ang video na pinost ni Jovinal Dela Cruz mula Pandi, Bulacan tungkol sa kanilang bad experience sa pagkawala ng mga laman ng bagahe nito sa Clark International Airport na umani ng higit 2 million views, 30k+ likes at 70k+ shares. Agad nila itong inireklamo sa mga aiport police at kalaunan ay binigyang aksyon ng CIAC authorities.
Natukoy ang anim na suspects na pawang mga empleyado ng MIASCOR Aviation Services na agad sinibak at binayaran ang biktimang si Dela Cruz ng P84,000 para sa mga nawalang laman ng bagahe nito.
Bilang pagpapakita naman na seryoso ang CIAC na pag-silbihan ang kanilang mga customers ay nagkaroon ng symbolic renewal of commitment na pinangunahan ni CIAC President & CEO Alexander Cauguiran kasama ang mga ground handling officers, at iba pang mga personnel ng airport.
Binigyang diin ni Cauguiran ang kahalagahan ng pagkakaroon ng malinis at magandang imahe ng mga paliparan sa ating bansa dahil ito ang nag-sisilbing gateway ng mga turista. Layunin ng nasabing symbolic renewal of commitment ang pagpapanumbalik ng tiwala ng mga mamamayan sa paliparan at pagpapakita na mas marami paring may mabubuting loob na mga kawani nito ang handang gampanan ang kanilang tungkulin sa customers.
Samantala ang MIASCOR Aviation Services na nasangkot ang mga empleyado sa pilferage of the luggage ni Dela Cruz ay maaring di na makabalik sa pagbibigay ng serbisyo ayon sa Malacanang na patuloy namang inaapela nila alang-alang sa libu-libong empleyado na nanganganib na mawalan ng trabaho.
Photo courtesy of CIAC-Corporate Communications Office