Sinuportahan ng House Committee on Public Accounts ang resulta ng imbestigasyon na inilabas ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay sa eskandalong kinasangkutan ng Department of Health (DOH), Procurement Service ng Department of Budget and Management (PS-DBM) at Pharmally Pharmaceutical Corporation patungkol sa maanomalyang pagbili ng mga medical supplies na pantugon sa COVID-19 pandemic.
Ayon kay Public Accounts Chairman Jose “Bonito” Singson Jr., sa tatlong beses nilang nagsagawa ng pagdinig sa komite kaugnay sa isyu ay pareho ang naging findings nila sa Senado.
Ang kanilang inisyatibo na silipin ang kwestyunableng DOH-PSDBM procurement ng COVID-related medical supplies ay nagbunga kasabay ng paglalabas ng findings ng Blue Ribbon Committee.
Matatandaang sa komite ni Singson narinig ang mga kataga ni Health Secretary Francisco Duque III na winarak o sinira sila ng mga nais pabagsakin ang DOH.
Sa inilabas na rekomendasyon ng Senado ay pinakakasuhan ng plunder, paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act at iba pang criminal cases si Duque at iba pang government officials gayundin sina dating Presidential Adviser Michael Yang, dating DBM Usec. Christopher Lao at iba pang executives ng Pharmally Pharmaceuticals.
Samantala, ang House Blue Ribbon Committee naman na pinamumunuan ni DIWA Partylist Rep. Michael Aglipay ay hindi naman isinama sa pinakakasuhan si Yang dahil ito ay “financier” lamang at hindi maituturing na krimen ang pagpapautang ng salapi.