Nagkasundo ang House Ways and Means Committee na pagisahin ang mga panukala at resolusyon kaugnay sa pagbibigay linaw sa mataas na pagbubuwis ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa mga private school.
Sa pulong ng komite ay nagkasundo ang mga miyembro ng panel at mga may-akda ng panukala na i-consolidate na lamang ang mga bill at resolution at gawing base bill dito ang House Bill 9596.
Pinag-usapan sa briefing ang pagbasura sa BIR Revenue Regulation 5-2021 na naglalayong patawan ng 25% income tax rate ang mga proprietary educational institutions at bigyang linaw ang nakasaad sa Section 27 (B) ng National Internal Revenue Code (NIRC).
Ayon kay Ways and Means Chairman Joey Salceda, ginawa ang pulong upang pagsapit ng pagbubukas ng 3rd regular session ng 18th Congress ay mabilis na lamang itong maaprubahan at maihabol bago ang pagbubukas ng School Year 2021-2022.
Iginiit ni Deputy Speaker Rufus Rodriguez na malinaw na nakasaad sa konstitusyon na kinikilala ng estado ang mahalagang papel ng mga public at private school sa bansa at ini-exempt ang mga ito sa mataas na tax, duties at iba pang charges.
Suportado naman ng BIR ang panukala na hindi na patawan ng 25% income tax rate ang mga proprietary educational institutions basta’t wala nang refund sa mga naunang 10% na ibinayad na buwis mula noong 2016.
Binibigyang linaw sa ginawang pagdinig na hindi dapat lumilihis ang BIR sa itinatakda ng Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises (CREATE) Law na bababaan ang buwis ng mga korporasyon at tulungan ang mga industriyang apektado ng COVID-19 pandemic tulad ng mga non-profit, non-stock at cooperative-owned na mga private educational institutions.
Facebook Comments