Ginarantiyahan ni Senate Blue Ribbon Committee Chairman Senator Francis Tolentino na sa Huwebes ay mayroon na silang ibibigay na committee report kaugnay sa imbestigasyon ng tinaguriang ‘sugar fiasco’.
Sa pulong balitaan, tiniyak ni Tolentino na sa Huwebes ay tapos na nila ang committee report na maglalaman ng findings at mga rekomendasyon ng mga senador mula sa naging resulta ng pagdinig.
Kabilang sa mga posibleng maging laman ng committee report ang pagsasampa ng kaso at ilang mga reporma upang hindi na maulit ang iligal na sugar importation order.
Magkagayunman, hindi naman nagbigay ng iba pang detalye si Tolentino sa mga kakasuhan sa kontrobersyal na pag-aangkat ng 300,000 metriko toneladang asukal at iginiit na hintayin na lamang na matapos ang committee report.
Tiniyak naman ni Senate President Juan Miguel Zubiri na agad aaksyunan at aaprubahan sa plenaryo ang committee report bago ang session break.
Naniniwala rin si Zubiri na nagkaroon talaga ng paglabag sa rules at procedure sa sugar importation order pero ang mga reporma rito ay ipauubaya niya sa Blue Ribbon Committee.