Kinatigan ng Senado ang Committee report No. 186 na nagrerekomenda na alisin si Lt. Gen. Antonio Parlade bilang Tagapagsalita ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict o NTF-ELCAC.
Ang nabanggit na Committee report ay inihain ni Senator Panfilo “Ping” Lacson bunga ng isinagawang pagdinig ng pinamumunuan nitong Committee on National Defense and Security ukol sa red-tagging sa ilang celebrities, personalidad, institution at organisasyon.
Binigyang diin sa Committee report na ang pagtatalaga kay Parlade bilang spokesperson ng NTF-ELCAC ay labag sa Article XVI, Section 5, Paragraph 4 ng 1987 Constitution.
Isinasaad nito na walang aktibong miyembro ng militar ang maaring italaga sa isang civilian position sa gobyerno.
Giit ni Lacson, ang NTF-ELCAC ay isang civilian body.
Nakapaloob din sa rekomendasyon na hindi na kailangan pang lumikha ng panibagong batas laban sa red-tagging dahil legal remedy na maaaring gamitin ang sinumang mabibiktima nito.