
Inaprubahan na ng House Committee on Justice ang committee report patungkol sa pagbasura sa dalawang impeachment complaint laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
39 na miyembro ng komite ang bumoto pabor sa committee report at kalakip nitong resolusyon, apat ang tumutol, at walang nag-abstain.
Ang unang impeachment complaint ay inihain ni Atty. Andre de Jesus at inendorso ni Pusong Pinoy Party-list Rep. Jernie Jett Nisay.
Ang ikalawang impeachment complaint naman ay inihain ni Makabayan Coalition president Liza Maza at ng mga kinatawan ng iba’t ibang progresibong grupo, at inendorso nina Representatives Antonio Tinio, Sarah Elago, at Renee Co ng Makabayan bloc.
Ang nabanggit na committee report ay iaakyat sa plenaryo para pagtibayin, kung saan posible pa itong mabaligtad sa boto ng one third ng kabuuang bilang ng mga kongresista.










