
Hindi pinayagan ang common-law wife na si Honeylet Avanceña na dalawin si Dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court detention center sa The Hague, Netherlands.
Sa isang panayam online, sinabi ni Avanceña na sinuspinde raw ang kanyang visitation rights kay Duterte sa loob ng detention facility.
Ayon kay Avanceña, posibleng may kinalaman ang pagsuspinde sa kanya nang tinawagan niya ang Dating Pangulo noong July 19.
Pero dipensa nito, wala siyang sinabi anumang tungkol sa kaso ni Duterte at kinamusta lamang ang kalagayan ng Dating Pangulo.
Isinisi rin ni Avanceña ang abogado ni Duterte sa ICC na si Atty. Nicholas Kaufman sa likod ng pagsusupinde ng visitation rights niya kay Duterte.
Tumangging magkomento naman si Atty. Nicholas Kaufman sa mga pahayag ni Avanceña laban sa kanya.
Ayon kay Kaufman, tanging mga detention center authorities lamang ang may kapangyarihan kung sino ang papayagan na makapasok sa detention center.
Wala rin aniya siyang papel para bigyan ng mandato ang mga awtoridad ng ICC kung sino lamang ang papayagan na bumisita sa Dating Pangulo.









