Isang common station ang planong itayo na magko-konekta sa Makati subway system at sa Bonifacio Global City (BGC) sky train.
Ang Makati City Subway Inc. (MCSI) ng Philippine Infradev Holdings Inc. ay makikipag-partner sa Infracorp Development Inc. ng Megaworld Corporation para sa itatayong common station.
Ayon sa Infradev – tinanggap na nila ang term sheet mula sa Megaworld para sa pagbuo ng isang joint venture company na magde-develop ng naturang common station.
Sa ilalim ng term sheet, ang MCSI at Megaworld ay may 60-araw para maisapinal ang mga kasunduan.
Ang common station project ng Infradev at Infracorp ay magkakaroon ng access at connection sa MRT-3 Guadalupe Station at sa Pasig River Ferry System.
Ang Makati City subway project naman ay 10-kilometer underground railway system na mayroong 10 istasyon na kokonektahin ang ilang pangunahing lugar sa lungsod tulad ng Central Business District, Makati City Hall, Poblacion Heritage Site, University of Makati, at Ospital ng Makati.
Ang Makati subway ay magkakaroon din ng connection sa itinatayong Metro Manila Subway.
Ang BGC skytrain naman ay dalawang kilometrong monorail train system na may dalawang istasyon na magkokonekta sa Guadalupe sa Makati at sa Uptown BGC sa Taguig.