
Magpapatupad ang Communist Party of the Philippines (CPP) ng apat na araw na tigil-putukan para sa Pasko at Bagong Taon.
Sa pahayag ng CPP, inatasan nito ang New People’s Army (NPA) na magsagawa ng tigil-putukan mula Disyembre 25 hanggang 11:59 ng gabi ng Disyembre 26, at mula Disyembre 31 hanggang 11:59 ng gabi ng Enero 1, 2026.
Ayon sa CPP, layon ng pansamantalang ceasefire na bigyang-daan ang simpleng selebrasyon ng mga nabanggit na holidays, kasabay ng pagdiriwang ng ika-57 anibersaryo ng partido.
Dagdag pa ng grupo, magsasagawa sila ng mga cultural at educational activities sa mga nasabing araw upang higit pang palalimin ang kamalayan sa umano’y sistemikong korapsyon sa bansa.
Gayunman, nilinaw ng CPP na mananatili sa active defense mode ang lahat ng yunit ng NPA, lalo na sa gitna ng patuloy na military operations ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Ayon pa sa kanila, ang lahat ng Red Commanders at Red Fighters ay mananatiling naka–high alert laban sa posibleng pag-atake ng AFP.









