Community bakery, apektado ng presyuhan ng Pinoy Tasty at Pinoy Pandesal

Nagbabala ang grupo ng mga panadero sa posibleng tuluyang pagsasara ng mga community bakery sa gitna ng nagtataasang presyo ng mga sangkap sa paggawa ng tinapay.

Ayon kay Chito Chavez, presidente ng Asosasyon ng Panaderong Pilipino,
sa katunayan ay marami nang maliliit na panaderya ang nagsara dahil sa pagkalugi.

“Ito yung pinakamatindi at pinakamahabang crisis sa industriya ng tinapay. Una, dumanas tayo ng pandemic, pagkatapos dumanas tayo ng mataas na presyo ng sangkap sa paggawa ng tinapay, yung dollar exchange rate against peso at higit sa lahat, yung Russia-Ukraine war na nakakaapekto sa presyuhan ng aming mga produktong tinapay buhat ito sa pagtaas ng mga sangkap na aming ginagamit,” ani Chavez sa interview ng RMN dzxl 558.


“Ang maliliit pong bakery ay hand-to-mouth ang operation. Wala po itong malaking puhunan, walang credit facility sa malalaking banko, ito po ay nangungutang lang sa mga dealer ng harina. Sa panahon pong ito ng crisis na ilang taon nang dinaranas ng maliliit na magtitinapay, nagkakautang-utang na po kami sa aming mga supplier,” dagdag niya.

Aminado rin si Chavez na apektado ng murang Pinoy Tasty at Pinoy Pandesal ang kabuhayan ng maliliit na panaderya.

Aniya, suportado niya ang magandang layunin ng malalaking bakery at ng Department of Trade and Industry na makapag-alok ng murang tinapay sa masang Pilipino.

Pero dahil dito, hindi naman makapagpatupad nang maayos na taas-presyo ang maliliit na panderya dahil naikukumpara ang presyo ng mga tinapay nila sa presyo ng Pinoy Tasty at Pinoy Pandesal.

“Ang akala po nila nagiging abusive ang mga community bakery. ‘Bakit ika mura ang Pinoy Pandesal, mura ang Pinoy Tasty, sa inyo mahal.’ Yan ang isyu, kaya nga po on behalf of the community bakery, I’m praying to the Department of Trade and Industry, pakipaliwanag naman po ninyo na ito ay isang corporate social responsibility,” saad pa ni Chavez.

“At ang masakit pa po nito na reklamo ng maliliit na bakery ay yung puntos na kapag kayo ay napatabi sa may tindang Pinoy Tasty at Pinoy Pandesal, ang inyo pong tinda sa community bakery hirap na hirap mabili,” giit niya.

Dagdag pa ni Chavez, nahihirapan din silang magtaas dahil karaniwang customer nila ay mga mamamayan na maliit lang din naman ang kinikita.

“Nakapahirap pong magtaas. Bakit? Una, hindi maabot ng customer ang presyuhan. Pangalawa, ang inyong pinagtataasan ng presyo ay inyong mga kapitbahay, kumare, kaibigan, kasama sa antas ng lipunang inyong ginagalawa. Yan po yung mga suliranin ng mga community bakers,” paliwanag niya.

Sa Linggo, October 16, ipagdiriwang ang “World’s Bread Day.”

Facebook Comments