Sisimulan na ng Quezon City Government ngayong linggong ito ang pagsasagawa ng Community-Based Testing upang maibaba ang bilang ng mga nagkakasakit ng Coronavirus Disease 2019 o COVID-19.
Ayon kay QC Health Department Head Dr. Esperanza Arias, may inisyal na 1,300 test ang kanilang gagawin sa mga lugar sa QC na may mataas na bilang ng mga persons under investigation o PUIs at ang kits ay magmumula sa Department of Health (DOH).
Paliwanag ni Dr. Arias ang Lokal na Pamahalaan ay magkakaroon pa ng dagdag na 1,500 test kits sa pakikipag tulungan ng Philippine Red Cross.
Kaugnay nito, sinabi naman ni Dr. Rolando Cruz, pinuno ng Epidemiology and Surveillance Unit ng QCHD kabilang sa mga isasalang sa test ay ang mga taong nagpapakita ng may sintomas ng COVID-19.
Dagdag pa ni Dr. Cruz, ang mga testing centers ay may mga swab booths na magbibigay proteksyon sa mga healthcare workers at makakatulong na makatipid sa gamit ng personal protective equipment o PPE.
Paliwanag ni ni Cruz na ang mga makukuhang samples ay agad na dadalhin sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) para sa pagsusuri at makaraan ang tatlong araw ay agad ipalalabas ang resulta.
Sa ngayon, aniya, ang RITM lamang ang nagra-run ng tests kaya medyo matagal ang resulta kaya’t ang QC government ay may koordinasyon sa Philippine Red Cross, St. Luke’s Medical Center at Lung Center of the Philippines para mapabilis ang paglalabas ng resulta ng pagsusuri.