Puno na ang community isolation facility sa Navotas National High School at Navotas Polytechnic College kung saan okupado na ng pasyente ang lahat 210 isolation beds nito.
Inihayag ito ni Navotas City Mayor Toby Tiangco sa harap ng pagpalo sa mahigit 500 na aktibong kaso ng COVID-19 sa lungsod.
Dahil dito ay nagpapasalamat si Mayor Tiangco sa 200 slots na binigay ng National Government sa mga isolation facility sa Philippine Arena sa Bulacan at sa World Trade Center sa Pasay City.
Ayon kay Mayor Toby, 25 pasyente na mula sa lungsod ng Navotas ang naihatid sa mga pasilidad na ito.
Binanggit ni Tiangco na kinabibilangan ito ng mga pasyenteng positibo sa COVID-19 na wala o banayad lamang ang sintomas at mga residenteng naghihintay ng resulta ng kanilang swab test.
Tiniyak ni Tiangco na maaalagaang mabuti ang mga pasyente ng lungsod na dadalhin sa nabanggit na mga isolation facility dahil may mga doktor at health workers din na nag-aasikaso rito.