Naglunsad ng sariling bersyon ng community pantry ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) at tinawag nila itong Community Pan-Tree.
Pero, kung ikukumpara sa mga nagsusulputang community pantry na mga pagkain ang ipinamimigay, mga halaman katulad ng punla ng punong kahoy, mga fruit bearing tree at mga punla ng pananim na gulay ang ipinapamahagi.
Ayon kay Lemuel Tolosa, isang forester, ang bawat indibidwal ay pwede lang makakuha ng limang species ng pananim.
Alas-7:00 pa lang ng umaga ay dagsa na agad ang mga tao at agad naubos ang mga unang inilabas na mga punla ng pananim.
Ang proyekto ay isinabay na rin sa selebrasyon ng earth day ngayon.
Bukas ang Community Pan-Tree simula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-3:00 ng hapon ngayong araw na matatagpuan sa North Avenue, Diliman, Quezon City.