Naniniwala si National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) Executive Director Lieutenant General Antonio Parlade Jr. na ang mga community pantries ay parang “mansanas” na inalok ni Satanas at tinukso kay Eba na kainin.
Nang tanungin kung sino ang “Satanas,” sinabi ni Parlade na sila yung mga organizer ng pantries.
“Isang tao lang ‘yan ‘di ba? Si Ana, si Patricia. Same with Satan. Si Satan binigyan ng apple si Eve. Doon lang nagsimula ‘yon,” sabi ni Parlade sa isang TV interview.
Ang tinutukoy ni Parlade ay si Ana Patricia Non, ang organizer ng unang community pantry sa Maginhawa Street, Quezon City na nagbigay inspirasyon sa iba pa na magtayo rin ng ganitong inisyatibo sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Pero nilinaw ni Parlade na suportado nila ang ganitong community initiatives na makatutulong sa mga taong apektado ng pandemya.
Iginiit niya na trabaho nila na tukuyin ang mga indibiduwal na sinasamantala ang community pantry movement para isulong ang kanilang political agenda at para palabasing masama ang gobyerno.
Paglilinaw ni Parlade na wala silang nire-red tag na sinuman at hindi sila naniniwala sa ganitong termino.
Dagdag pa ni Parlade, nakatanggap sila ng mensahe kung saan si Non ay nauugnay sa 26-anyos na aktibistang si Chad Booc, na naaresto kasama ng mga Lumad sa isang police operation sa Cebu noong February 15 dahil sa alegasyong isa siyang “communist child warrior.”
Una nang sinabi ni Non na gumawa lamang siya ng sarili niyang inisyatibo para tulungan ang kanyang komunidad dahil nakikita niyang kulang ang suporta ng pamahalaan sa mga komunidad.
Itinanggi rin ni Non na miyembro siya ng communist group.