Kinalampag ni Assistant Minority Leader at Gabriela Partylist Rep. Arlene Brosas ang Kamara na magsilbing wake-up call ang paglaganap ngayon ng community pantries sa iba’t ibang lungsod sa Metro Manila.
Giit ng kongresista, kasabay ng pagsulpot ng mga community pantry ay dapat nang ipasa ang P10,000 Ayuda Bill na inihain ng Makabayan.
Sinabi ni Brosas na ang pag-usbong ng community pantries ay nagpapakita ng nakakapanlumong estado ng mga Pilipino na naghihirap at nagsasakripisyo sa gitna ng economic crisis.
Maituturing din aniya itong pagsasakdal kay Pangulong Rodrigo Duterte na pumalya sa pagtugon sa COVID-19 pandemic at hindi pagbibigay ng sapat na ayuda sa mga mahihirap sa kabila ng trilyong pisong inutang ng bansa para sa pandemya.
Dagdag pa ng mambabatas, wala dapat community pantry pero dahil sa kapalpakan ng gobyerno ay kinailangang kumilos at magkusa na umagapay ang mga ordinaryong Pilipino para sa masang naghihikahos.