Community pantries na lalabag sa ‘protocols’ ipapasara ng DILG

Mapipilitan ang Department of the Interior and Local Government (DILG) na ipasara ang mga community pantry sakaling makitaan ng paglabag sa mga ipinaiiral na health protocols na maaaring magresulta sa hawaan ng COVID-19.

Ayon kay DILG Secretary Eduardo Año, magpapalabas sila ng advisory at memorandum sa mga Local Government Units (LGUs) hinggil sa tamang pamamalakad sa mga community pantries.

Ayon kay Año, ang mga organizer ng mga community pantry ay dapat na makipag-ugnayan sa mga LGUs upang epektibong maipatupad ang health protocol, mapanatili ang peace and order, at matiyak na ang mga ipinamamahaging goods ay makakaabot sa mga taong talagang nangangailangan.


Ipinaliwanag pa ng kalihim na malaki ang ginagampanang papel ng LGU dahil ito ang tutukoy sa magiging venue ng community pantry upang masigurong accessible ito sa mga mamamayan, at siya ring magbibigay ng seguridad at tutulong sa pananatili ng kaayusan at kapayapaan sa lugar.

Maaari rin aniyang ang LGU ang siyang mag-ugnay ng mga local producers sa mga organizer ng community pantry.

Pinuri rin naman ng DILG chief ang inisyatiba ng Maginhawa Community Pantry at iba pa at tiniyak na suportado nila ang mga ito.

Facebook Comments