Pinamo-monitor ng Department of Health (DOH) sa Local Government Units (LGUs) ang mga community pantry sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Ito ay sa pangamba na pagmulan ng pagkalat ng COVID-19 ang mga community pantry dahil sa pagsisiksikan ng mga tao at hindi pagsunod sa minimum public health standards.
Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, kinikilala nila ang pagmamalasakit ng ating mga kababayan na mahalaga ngayong nakararanas tayo ng pandemya.
Pero dapat aniyang tingnan at magabayan ang mga naglatag ng community pantry para masunod pa rin ang health protocol at maiwasan ang pagkalat o hawaan ng COVID-19.
Maliban dito, dapat rin aniyang matiyak sa bawat community pantry ang kaligtasan ng bawat isa.
Una nang nagsimula ang community pantry sa Quezon City na sinundan sa iba’t ibang lugar sa bansa.
Layon nitong matulungan ang higit na nangangailangan ngayong pandemya kung saan maraming pamilya ang naapektuhan at nawalan ng trabaho.