Community Pantry, Binuo na rin ng Isabela Provincial Government

Cauayan City, Isabela- Sumunod na rin sa paglalatag ng Community pantry ang pamahalaang panlalawigan ng Isabela na inumpisahan lamang kahapon, April 20, 2021 sa Kapitolyo.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Mr. Rey Mel Resposo, focal person ng Isabela Youth Development Office, kanyang sinabi na nag ambag-ambag ang mga pribado at mga kawani ng pamahalaang panlalawigan upang ayudahan ang mga traysikel, jeepney drivers at mga contractual na empleyado ng provincial Government.

Ibinahagi nito na kitang-kita ang nais na pagtulong ng mga Ilagueño ngayong panahon ng pandemya dahil marami aniya ang mga donors na namigay ng kanilang mga tulong para mabuo ang Community Pantry.


Natutuwa aniya ito dahil dinumog ng mga nagbibigay ng tulong at mga nangangailangan ang itinayong Community pantry sa harap ng Queen Isabela na malaking tulong para sa kanilang pangangailangan.

Ayon pa kay Ginoong Resposo, naging maayos naman ang kanilang paglalatag ng Community pantry at nasunod naman aniya ang health and safety protocols.

Ngayong araw ng Miyerkules, April 21, 2021 ay irerepack ng mga empleyado ng Provincial government ang mga ibinigay na tulong ng mga donors at ilalagay muli sa Community pantry.

Ipinaliwanag ni Resposo na minarapat na ng mga volunteers na ilagay sa plastic ang mga ipapamahaging tulong upang maiwasan ang kumpulan ng mga tao at para makaiwas sa COVID-19.

Ang kanilang ginawang hakbang ay dahil na rin sa viral post sa social media na mayroon at malaki naman aniya ang naitutulong para sa mamamayan lalo na ngayong may kinakaharap na pandemya.

Facebook Comments