Hinikayat ni Senator Sonny Angara ang mga National Government, Local Government Units (LGUs) at mga negosyante na tularan ang dumaraming mga community pantries na nagsimula sa Maginhawa sa Quezon City.
Inihalimbawa ni Angara ang mga manufacturer ng pagkain na maaring magbahagi ng kanilang produkto sa mga community pantry o magtayo ng sarili nilang community pantry para makatulong.
Layunin ng panawagan ni Angara na mas marami pa ang matulungan sa pamamagitan ng community pantry ngayong may COVID-19 pandemic.
Binanggit ni Angara na bagama’t maliit na bagay kung tutuusin ang pamamahagi ng libreng gulay, prutas, bigas, tubig o noodles ng isang tao, pamilya o grupo ng tao, ay napakalaking tulong nito para sa mga nagugutom ngayong may pandemya.
Nakakatuwa para kay Angara na sa gitna ng kasalukuyang krisis ay namamayani sa mga Pilipino ang bayanihan para alalayan ang ating mga kababayan na higit na nahihirapan sa sitwasyon ngayon.