Community Service Act, aprubado sa Senado

Inaprubahan na sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang maghihintulot sa korte na patawan ng community service imbis na ipakulong ang mga mahaharap sa minor offenses.

Sa 19-0 na boto, pasado ang Senate Bill No. 2195 o Community Service Act, na may layunin ding huwag nang dagdagan pa ang pagsikip ng mga selda sa bansa.

Sa ilalim ng Revised Penal Code (RPC), nakasaad na ang mga papatawan ng arresto mayor ay makukulong nang isang buwan at isang araw hanggang anim na buwan, habang ang mga maparurusahan naman ng arresto menor ay mananatili sa kulungan nang isa hanggang 30 araw.


Sa oras na maisabatas ang nasabing panukala, maaari nang patawan ng korte ang nasasakdal ng community service hangga’t ang parusa ay arresto menir at arresto mayor.

Kailangang gawin ang community service sa lugar kung saan ginawa ang krimen.

Sa pagtanggi naman o hindi pagsunod sa alituntunin ng community service, maaaring iutos ang muling pag-aresto sa nasasakdal.

Ikinatuwa naman ito ni Senate justice committee chairperson Richard Gordon, na siyang sponsor ng bill.

Facebook Comments