Maaari pa ring magbago ang ipinapatupad na quarantine status sa National Capital Region (NCR).
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na pwede pa ring ikonsidera ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang apela ng mga alkalde sa NCR na isailalim ang rehiyon sa mas mahigpit na community quarantine dahil sa banta ng Delta variant.
Aminado ang kalihim na tumataas ang kaso ng COVID-19 at ayaw din naman nilang hintayin na pumalo muli sa mahigit 5,000 ang average daily new cases sa Metro Manila gaya ng nangyari noong Marso at Abril.
“Ayaw na nating paabutin sa ganon. Nakakasiguro kayo na ang IATF ay binabantaya talaga ito at yung posibilidad na mas mahigpit na community quarantine ay hindi malayo, pwedeng ikonsidera ng IATF. Pero ayaw ko naman pangunahan ang IATF dahil hindi tama,” ani Duque.
Matatandaang pinalawig ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ‘GCQ with heightened restrictions’ sa NCR at ilan pang lugar sa bansa hanggang sa August 15.
Magpupulong naman ukol dito ang Metro Manila mayors at ang IATF ngayong araw.
“Ang gusto nila, mas mahigpit na community quarantine o ECQ. So, pag-uusapan yan ng IATF at tinukoy muna at tutukuyin pa kung may sapat na kaperahan para sa ayuda ng mga maaapektuhan,” dagdag niya.