Community transmission ng COVID-19 Indian variant sa bansa, hindi pa tiyak

Hindi pa natutukoy kung mayroong community transmission ng Indian COVID-19 variant o B.1.617 sa bansa.

Nabatid na kinumpirma ng Department of Health (DOH) na mayroong dalawang kaso ng double-mutant variant sa Pilipinas.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, ang Indian variant ay mas nakakahawa at nakamamatay.


Bagamat ginawa ng pamahalaan ang lahat para hindi makapasok ang variant sa bansa, hindi pa rin tiyak kung may nangyayaring hawaan sa mga komunidad kaya kailangan pa ring mag-ingat ang publiko.

Ang mga pasaherong nagmumula sa India ay kailangang sumailalim sa 14-day quarantine kung saan 10 araw sa isolation facility o institutional quarantine facility at apat na araw sa ilalim ng direct control at supervision ng mga local government units (LGUs).

Hindi pa masabi ng Palasyo kung makakaapekto ito sa desisyon ng Inter-Agency Task Force (IATF) para muling palawigin ang modified enhanced community quarantine (MECQ) sa NCR Plus bubble.

Gayumpaman, sinabi ni Roque na mas mainam na palakasin ang healthcare capacity sa halip na isara muli ang ekonomiya.

Facebook Comments