Commuters at labor groups, iginiit sa LTFRB na irekunsidera ang operation ng mga bus sa Metro Manila sa panahon ng GCQ

Kinukwestyon ng Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) gayundin ang Defend Jobs Philippines ang ipatutupad na Memorandum Circular 2020-019 ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

May kaugnayan ito sa guidelines na nagtatakda sa operasyon ng mga bus sa panahon ng General Community Quarantine (GCQ) sa Metro Manila simula sa June 1, 2020.

Nababahala si LCSP President Atty. Ariel Inton na posibleng magdulot ito ng peligro sa kalusugan at kaligtasan ng mga pasahero.


Malalantad din aniya sa peligro ang trabaho at kabuhayan ng mga manggagawa sa bus transportation industry.

Sa Memorandum Circular ng LTFRB, magkakaroon na lamang ng single synchronized route at may tinukoy na 31 ruta na pinapayagan ang 4,600 units.

Bahagi nito ang EDSA Loop Service na sinasabing espesyal na ruta para lamang sa 550 authorized units na papayagang makapagbiyahe at magsakay ng libu-libong pasahero sa EDSA pero sa limitadong bilang lamang.

Paliwanag ni Atty. Inton, magiging perwisyo rin sa mga pasahero ang palipat-lipat ng bus at dagdag na pamasahe.

Malaki rin ang tsansa na magkahawaan ng virus dahil sa dami ng drop-off at pickup points na ilalagay para sa mga pasahero.

Sa panig ng Defend Jobs Philippines, posible na mawalan ng trabaho ang 10,000 bus crews at office employees dahil gagamit na ng card tap system sa Public Utility Buses (PUBs) at hindi na kailangan ng bus conductors.

Facebook Comments