Commuters’ group, bukas sa hirit na P12 na minimum na pasahe sa jeep

Suportado ng National Center for Commuters’ Safety and Protection (NCCSP) ang hirit na piso hanggang dalawang pisong dagdag sa minimum na pasahe sa mga pampasaherong jeep.

Ito ay upang maibsan ang pasanin ng mga tsuper sa harap ng patuloy na pagsipa ng presyo ng mga produktong petrolyo.

Sabi ni NCCSP President Elvira Medina, sang-ayon sila sa taas-pasahe basta’t hindi ito lalampas sa P12 dahil kung mangyari ay magiging dagok naman ito sa mga commuters.


Aniya, malaking kabawasan kasi sa kita ng mga manggagawa ang gastos sa pamasahe gayong kakarampot lang naman ang ibinigay na umento sa sahod ng mga regional wage board.

“Ang average po na commuter bago makarating sa kanyang pinagtatrabahuhan ay tatlong sakay po yan. Kung P15 ang isang sakay, ibig sabihin, P45 po papunta at P45 pauwi e P90 na po yan. Subalit ang idinagdag po sa ating minimum wage ay P35 to P36 so malaki po ang makakaltas sa sweldo na pang-araw-araw,” ani Medina.

Kamakailan lang nang aprubahan ng Land Transportation Frachising and Regulatory Board ang pisong provisional increase sa minimum na pasahe sa jeep na pumapasada sa NCR, Calabarzon at Central Luzon.

Sa katapusan naman ng buwan nakatakdang dinggin ng ahensya ang hirit na P5 minimum fare hike ng mga transport group.

Facebook Comments