Iminungkahi ng Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) sa Securities and Exchange Commission (SEC) na palawigin muna ang pagpatutupad ng inilabas na Memorandum Circular para sa mga korporasyon, associations, partnership at iba pa.
Ayon kay LCSP President Atty. Ariel Inton, kabilang sa maaapektuhan ng memo circular ang libo-libong Tricycle Operators and Drivers’ Association (TODA) at PUV operators.
Paliwanag ni Inton, nakapaloob sa memo circular ang mandatory submission ng e-mail at mobile numbers ng mga corporations, partnerships at iba pa para sa kanilang filing at monitoring system.
Ayon kay Inton, mula Pebrero 23, 2021, nagpataw na ng penalty na P10,000 ang SEC sa mga hindi nakasunod sa pagsumite ng requirements na lubhang napakalaki.
Dagdag pa ni Inton na nais din ng commuters’ group na gawing malawakan ang anunsyo tungkol dito dahil marami sa transport sector ang hindi pa nakakaalam nito.
Maganda aniya ang hanggarin ng SEC pero sana isaalang-alang din ang kasalukuyang sitwasyon ng naghihikahos na transport sector sa panahon ng pandemya.