Inihayag ni Senator Risa Hontiveros na mananatili ang pagdududa na may hiwalay na vaccination program ang Presidential Security Group (PSG) na labas sa inilatag ng gobyerno para sa publiko.
Mensahe ito ni Hontiveros matapos na mag-isssue ang Food and Drug Administration (FDA) ng “compassionate special permit” sa pagtuturok ng Sinopharm COVID-19 vaccine sa PSG members.
Ayon kay Hontiveros, mahigit isang buwan na simula nang mabalitaan ang umano’y iligal na pagbabakuna sa mga PSG personnel, pero nakababad pa rin sa isipan ng marami ang mga tanong.
Pangunahin sa mga tanong na tinukoy ni Hontiveros ay kung ligtas at mabisa ba ang Sinopharm at bakit hindi na lang hinintay ang paparating na mga bakuna sa susunod na 2 linggo.
Nais ding malaman ni Hontiveros kung may ginastos ba ang taumbayan para dito? Magkano? At higit sa lahat, bakit ba hinahayaang manatiling misteryoso ang mga transaksyon tulad nito?
Ipinunto rin ni Hontiveros na wala ng saysay ang pagbibigay ng “compassionate special permit” dahil mayroon ng dalawang COVID-19 vaccine sa bansa ang nabigyan na ng Emergency Use Authorization (EUA).
Giit pa ni Hontiveros, dapat walang fast lane para sa PSG, lalo na kung walang special treatment ang mga health care workers natin na may pinakamalaking sakripsyo sa pandemyang ito.