Hinimok ni Senator Robin Padilla na gawan ng paraan ng pamahalaan na hanapan ng pondo ang compensation program para sa mga biktima ng Marawi siege noong 2017.
Iginiit ni Padilla na walang oras ang dapat na masayang ng mga awtoridad dahil ang banta ng terorismo ay palaging naririyan kung patuloy na malulugmok sa kahirapan ang ating mga kababayan.
Giit ni Padilla, hangga’t ang pangakong kompensasyon ng gobyerno ay hindi naibibigay, mas lalong lumalakas ang banta na magagamit ng mga terorista ang kahirapan para makumbinsi at maimpluwensyahan ang mga kabataan sa pagiisip at paniniwala sa ideolohiya ng terorismo.
Aniya, sa kanyang pakikipag-usap sa Marawi Compensation Board, ang P1 billion na pondo ay hindi sasapat dahil ang naturang halaga ay mauubos agad sa loob lang ng tatlo hanggang apat na buwan.
Dahil dito, hinimok ni Padilla ang pamahalaan na humanap ng ibang pondong pagkukunan kabilang ang budget para sa P6 billion na unprogrammed funds para sa compensation efforts ng gobyerno.
Binigyang diin pa ng mambabatas na dapat tiyakin ng mga awtoridad na ang mga apektado ng giyera noon sa Marawi ay mabibigyan ng kabuhayan at makabubuti kung i-e-explore din ng mga ito ang mga non-monetary programs ng Marawi Compensation Board sa pakikipagtulungan sa Ministry of Social Welfare and Development ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.