Manila, Philippines – Nanawagan si dating Congressman at ngayon ay Labor Undersecretary Jacinto Paras kay Overall Deputy Ombudsman Arthur Carandang na magkusa na lamang na bumaba sa kaniyang puwesto.
Si Paras ay isa sa pangunahing nagharap ng reklamo laban kay Carandang sa tanggapan ni Executive Secretary Salvador Medialdea.
Nag-ugat ito dahil sa isang interview ni Carandang sa ABS-CBN kung saan ipinakita nito ang umano ay bank records ni Pangulong Duterte at ng kaniyang pamilya na ang pinagbatayan ay mga illegal na dokumento.
Sa news forum sa Quezon City, sinabi ni Paras na mas makabubuti kung huwag nang suwayin pa ni Carandang ang lumabas na kautusan.
Tiwala si Paras na isang matuwid na tao ang bagong Ombudsman na si Samuel Martires kaya tiyak na maipapatupad ang dismissal order.
Aniya, hindi na maaring gamitin ni Carandang ang 2014 Supreme Court (SC) ruling na nagsasabing walang kapangyarihan ang Office of the President (OP) para sibakin ang isang deputy ombudsman.
Mayroon na aniyang ruling ang Supreme Court (SC) noong 2017, ang Agustine-SE vs Office of the President na bumasag sa 2014 SC ruling.
Aniya, hindi naman kailangang kaladkarin pa si Carandang dahil maari pa rin naman itong magharap ng Motion for Reconsideration (MR) bago maging final and executory ang inilabas na dismissal order.