Pinayuhan ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque ang mga umano’y biktima ng ‘sex for pass’ sa quarantine checkpoints na lumantad at maghain ng reklamo sa Philippine National Police (PNP).
Ayon kay Roque, ang ganitong akusasyon ay hindi biro kung kaya’t kinakailangang maghain ng reklamo sa PNP-Women and Children Protection Center upang umusad ang kaso.
Sinabi pa ng kalihim na kung natatakot man ang mga ito ay maaaring magtungo mismo sa kanyang tanggapan sa Office of the Presidential Spokesperson sa Malakanyang.
Matatandaan sa reklamo ng Coalition Against Trafficking in Women-Asia Pacific, pitong kaso na ng pang-aabuso sa mga kababaihan mula sa hanay ng pulisya ang kanilang naitala.
Ang ilan rito ay walang kabuhayan kung kaya’t madaling maabuso kapalit ng pera.