
Kinumpirma ng Philippine National Police (PNP) na pag-aari ng isang kilalang politiko ang compound kung saan nahuli ang pitong pulis na itinuturing ngayong persons of interest sa pamamaril kay Albuera, Leyte mayoralty candidate Kerwin Espinosa.
Bagama’t tumanggi si PNP Public Information Office Chief Police Col. Randulf Tuaño na pangalanan ang naturang politiko dahil sa nagpapatuloy na imbestigasyon.
Aniya, sa ngayon nag-apply ng search warrant ang PNP sa korte upang mahalughog ang mga sasakyang pinaniniwalaang sinakyan ng mga pulis matapos ang pamamaril.
Matatandaang nitong April 10 ng hapon, sugatan sa pamamaril si Espinosa habang nangangampanya sa isang covered court kung saan tinamaan ito sa dibdib at nadamay ang dalawang indibidwal.
Matapos ang pamamaril, isang SUV ang nakitang mabilis na tumakas mula sa crime scene.
Hinabol ito ng mga pulis mula sa Albuera Municipal Police Station at natunton sa loob ng compound ng nasabing politiko, dito na nahuli ang pitong pulis na mula sa Ormoc City Police Office na kinabibilangan ng dalawang opisyal at limang police non-commissioned officers.
Kasulukuyang nasa kustodiya ng mga awtoridad ang pitong pulis habang patuloy ang malalimang imbestigasyon sa likod ng kontrobersyal na pamamaril.