Nilinaw ngayon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na ang Comprehensive Archipelagic Defense Concept (CADC) na ipinatupad ni Department of National Defense (DND) Secretary Gilbert Teodoro ay hindi naglalayong pataasin ang tensyon sa West Philippine Sea (WPS).
Ayon kay AFP Spokesperson Col. Francel Margareth Padilla, ang CADC ay pangkalahatang plano sa pagpapalakas ng depensa ng bansa partikular sa maritime areas dahil sa binibuo ang bansa ng maraming isla na kailang protektahan.
Paliwanag pa ni Col. Padilla, karapatan ng Pilipinas na ipagtanggol ang kaniyang teritoryo, at ang CADC ay para masiguro ang kaligtasan, seguridad, at kapakanan ng mga puwersa ng militar na nagbabantay sa karagatan ng bansa.
Binigyang diin ni Col. Padilla na ang mga operasyon ng AFP sa karagatang sakop ng teritoryo ng Pilipinas ay bahagi ng pagtataguyod ng Soberenya ng bansa, alinsunod sa international law, at haharapin ng militar ang anumang hamon sa propesyonal na paraan.