Ipinatutupad din ng Philippine National Police (PNP) ang comprehensive security plan na kanilang inilatag noong Traslacion 2025 para sa National Rally for Peace ng Iglesia ni Cristo (INC) ngayong araw.
Ayon kay PNP Chief Police General Rommel Francisco Marbil, handa buong araw ang Pambansang Pulisya para tiyakin ang seguridad ng mga kasapi ng INC na nagsasagawa ngayon ng pagtitipon sa Quirino Grandstand at iba pang lugar sa bansa.
Maliban sa coordination sa INC organizers, mayroon din aniya silang traffic at crowd control measures na ipinatutupad at mayroon ding deployment ng mga police personnel sa strategic areas.
Sa datos ng National Capital Region Police Office (NCRPO), hindi bababa sa 5,000 mga pulis ang kanilang ipinakalat sa Quirino Grandstand, bukod pa sa deployment ng mga pulis sa iba’t ibang mga lalawigang pinagdarausan ng pagtitipon ng INC.
Kasunod nito, sinabi ni Marbil na kaisa ang Pambansang Pulisya sa panawagang kapayapaan at katatagan ng bansa.
Samantala, hinihikayat ni Marbil ang lahat na maging mapagmatyag at agad na i-report sa mga awtoridad ang anumang kahina-hinalang aktibidad.