![](https://i0.wp.com/rmn.ph/wp-content/uploads/2025/01/C-4.jpg?resize=696%2C392&ssl=1)
Iminungkahi ni Senate Basic Education Committee Chairman Sherwin Gatchalian ang tuluyang pagbasura sa Comprehensive Sexuality Education (CSE) na kasalukuyang ipinatutupad ng Department of Education (DepEd) sa ilalim ng Department Order number 31.
Ayon kay Gatchalian, dapat alisin na ang CSE at palitan ito ng Reproductive Health Education na siyang intensyon naman talaga ng Reproductive Health Law.
Sinabi ng senador na ang RH Law rin naman ang legal na basehan ng DepEd at ang nangyari mula sa RH education ay nagbago ito unti-unti sa CSE.
Kasabay ng rekomendasyon na ito ay ang suhestyon din ni Gatchalian na kanselahin na ang DO31 at palitan ito ng panibagong department order kung saan ang ipapatupad ay ang RH Education na matagal naman nang itinuturo sa mga paaralan.
Iginiit pa ni Gatchalian na hindi na mahihirapan ang mga guro sa RH Education dahil matagal na silang nagsanay rito hindi tulad sa CSE na napakakumplikado at may kalayaan pa ang mga guro na gumamit ng ibang reference materials na maaaring hindi angkop sa mga bata na maituro.
Dagdag pa ni Gatchalian, nagusap na sila kahapon ni Education Sec. Sonny Angara pero ayaw naman niyang pangunahan ang Kalihim dahil ine-evaluate pa ang kontrobersyal na CSE.