![](https://i0.wp.com/rmn.ph/wp-content/uploads/2025/01/cg-1.jpg?resize=696%2C392&ssl=1)
Iminungkahi ni Basic Education Committee Chairman Sherwin Gatchalian na suspindihin na muna ang implementasyon ng Comprehensive Sexuality Education (CSE).
Kaugnay ito sa napansing kalituhan ni Gatchalian sa pagbabasehan ng mga ituturo sa mga estudyante pagdating sa usapin ng sex education na nakapaloob sa Department Order 31.
Sa pagdinig ng Basic Education Committee, tinukoy ni Gatchalian ang UNESCO International Technical Guidance on Sexuality Education na kabilang sa mga reference materials sa CSE na pinagbatayan ng mga guro sa kanilang ituturo sa mga paaralan.
Iginiit naman ni Education Asec. Janir Datukan na ang UNESCO document ay framework lamang para sa pagbuo ng sariling curriculum sa Comprehensive Sexuality Education na age-appropriate, developmentally-appropriate at culturally-sensitive pero hindi ito ang eksakto at buong sinusunod ng Department of Education (DepEd).
Dagdag pang paliwanag ni Datukan, hindi itinuturo ang nakasaad sa UNESCO dahil hindi ito angkop sa ating kultura ngunit sinita naman ni Gatchalian na hindi ito malinaw dahil batay sa DO 31 isa ang UNESCO technical guidance sa reference materials na maaaring gamitin ng mga guro kung saan kinder pa lang ay tuturuan na tungkol sa mga “bodily pleasures”.
Punto ni Gatchalian, kung ngayon pa lamang ay nalilito na rin ang mga guro sa nararapat na ituro sa mga estudyante ay marapat lamang na suspindihin ang implementasyon ng CSE.