
Naibigay na ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang computer at mga dokumento mula sa opisina ni dating Usec. Catalina Cabral.
Ito ay kasunod ng paglalabas ng Subpoena Duces Tecum ng Office of the Ombudsman para i-turnover ang lahat ng devices at computer ni Cabral para imbestigahan at suriin kung may mga binago o binurang dokumento kasunod ng pagputok ng isyu ng mga maanomalyang flood control projects.
Ayon sa DPWH, kasamang itinurn-over ang mga dokumento at requests para sa National Expenditure Program sa nakalipas na 10 taon.
Pinangunahan ang turnover nina DPWH Usec. Nicasio Conti, Usec. Arthur Bisnar, Usec. Ricardo Bernabe III at Usec. Charles Calima Jr.
Muli namang tiniyak ng DPWH ang pakikipagtulungan sa mga awtoridad at mga kaukulang ahensya na nagsasagawa ng imbestigasyon.









