Manila, Philippines – Inamin ngayon ni Consultative Committee (Con-Com) Spokesman Ding Generoso na hindi perpekto ang draft federal charter ng naturang komite.
Ayon kay Gerenoso, bagaman at hindi raw perpekto ang mungkahing nabuo ng con-com para sa pagbabago ng 1987 constitution, maituturing naman daw itong magandang “working draft.”
Sa ngayon, hawak na ng Kamara ang kopya ng draft federal charter ng con-com at tatalakayin na lamang ito sa oras na mag-convene ang dalawang kapulungan ng Kongreso bilang constituent assembly.
Umaasa naman ang mga miyembro ng con-com na matatapos ang buong proseso sa pagpapalit ng saligang batas at ng porma ng pamahalaan patungong federalism bago pa man bumaba sa puwesto si Pangulong Rodrigo Duterte.
Iginiit pa ni Generoso na maituturing ang hakbang na ito bilang isa sa mga naitayong haligi ng Duterte Administration.