Tuluyan nang binawi ng Lakas-Christian Muslim Democrats (CMD) ang Certificate of Nomination and Acceptance (CONA) at suporta nito kay Daraga Mayor Carlwyn Baldo.
Ito ay makaraang ituro ng mga suspek ang alkalde na mastermind sa pagpatay kay Ako Bicol Representative Rodel Batocabe.
Sa interview ng RMN Manila kay Lakas-CMD official deputy speaker, House Majority Leader Rolando Andaya Jr. – inalis na si Baldo bilang opisyal na kandidato ng partido.
Naniniwala si Andaya – kapag napatunayang dawit si Baldo sa kaso, bilang na ang panahon ng alkalde sa pulitika.
Pero inamin ni Andaya na bago lang na miyembro ng partido si Baldo.
Sa interview ng RMN Manila kay Comelec Spokesperon James Jimenez – maari pa ring tumakbo si Baldo bilang independent.
Hawak na ng PNP ang anim na suspek sa pagpatay kay Ako Bicol Partylist Representative Rodel Batocabe at sa kanyang police escort na si SPO2 Orlando Diaz.
Ayon kay PNP Chief Oscar Albayalde na napilitang sumuko ang mga suspek sa krimen nang bigo nilang makuha ang ipinangakong pera sa kanila ni Mayor Baldo.
Payo ni Albayalde kay Baldo – sa korte na lamang magpaliwanag at iharap ang kanyang depensa.
Si Baldo at ang anim na mga suspek ay nauna nang kinasuhan ng double murder case.