
Posibleng palawigin pa ang concession agreement ng gobyerno at ng San Miguel Corporation (SMC) para sa pagpapatakbo ng Skyway Stage 3 kung saan libreng padadaanin ang mga motorista habang may EDSA rehabilitation.
Sa pagdinig ng Senado, sinabi ni Transportation Secretary Vince Dizon, na ang extension ng concession agreement ang posibleng kapalit sa pakiusap ng pamahalaan sa SMC na huwag pagbayarin ng toll ang mga motorista na dadaan sa isang bahagi ng Skyway habang isinasailalim sa rehabilitasyon ang EDSA.
Sa ganito aniyang paraan ay hindi kailangang maglabas ng pondo ang gobyerno para magsubsidiya sa toll ng mga motorista.
Sinabi naman ni SMC Infrastructure Corporate Affairs Office Head Atty. Melissa Encanto-Tagarda na pinag-uusapan na ng Department of Transportation (DOTr) at SMC ang detalye ng panukalang extension sa concession agreement at naghayag din na bukas ang korporasyon dahil meron silang investment sa Skyway.
Binigyang katiyakan naman ni Dizon ang pangamba ni Senator Raffy Tulfo sakaling mapuno ang Skyway Stage 3 at batay aniya sa mga engineers ay kakayanin naman ng structural integrity ng Skyway ang dami ng mga motorista pero kailangang tutukan ang exit at entrance ng gagamiting bahagi dahil maaaring maipon dito ang mga sasakyan.









