Condonation o hindi pagpapataw ng multa sa mga household employers na hindi nakapagbayad ng SSS contribution, isinusulong sa Senado

Inirekomenda ni Senator Jinggoy Estrada ang pagbibigay ng condonation o hindi pagpapataw ng multa sa mga household employers na hindi nakapagbayad ng kontribusyon sa Social Security System (SSS).

Ang isinusulong na ito ay pinaniniwalaan ni Estrada na isang win-win solution dahil hindi na pagbabayarin ng multa sa utang na kontribusyon sa SSS ang mga amo at mapapakinabangan na rin ng mga kasambahay ang mga programang iniaalok ng SSS.

Sa Senate Bill 43 na inihain ni Estrada ay sakop ng naturang condonation ang lahat ng employers ng nasa 1.4 million na kasambahay sa buong bansa.


Nakasaad sa panukala na ang mga household employers na hindi nakapag-remit ng kontribusyon sa SSS ay maaaring magbayad ng walang multa sa utang na kontribusyon o magsumite ng payment plan para sa hulugan sa loob ng anim na buwan.

Kung bigo naman ang employer na makapagbayad ng pagkakautang sa loob ng anim na buwang palugit ay sisingilin na ang household employer simula sa pinakaunang kontribusyon na dapat mabayaran salig sa Social Security Law o Republic Act 8282.

Kasama rin sa condonation sa pagbabayad ng kontribusyon sa mga kasambahay ang mga household employers na hindi rehistrado at kahit ang mga may kaso kaugnay sa pagkolekta ng kontribusyon o multa sa SSS.

Facebook Comments