Nananawagan si House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Party-List Representative France Castro sa Senado na isumite sa International Criminal Court (ICC) ang pag-amin ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na may death squad at ang pag-amin sa kanyang papel sa extrajudicial killings sa ilalim ng ipinatupad nitong war on drugs.
Ayon kay Castro, mahalaga ang lubos na kooperasyon ng Senado sa ICC para mabigyan ng hustisya ang libu-libong pinatay na pinangunahan mismo ng dating pangulo ng bansa.
Para naman kay Manila 6th District Rep. Bienvenido “Benny” Abante Jr., ang pag-ako ni dating Pangulong Duterte ng buong responsibilidad sa lahat ng patayang naganap kaugnay sa drug war ay nagbukas ng pinto para makapagsagawa ng legal na aksyon ang ICC.
Bunsod nito ay umaapela si Gabriela Women’s Party Representative Arlene Brosas sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. na huwag harangin ang imbestigasyon ng ICC laban sa EJK at war on drugs at laban sa lahat ng sangkot dito kabilang si dating Pangulong Duterte.
Giit ni Brosas, dapat makipagtulungan ang Pilipinas sa ICC upang mabigyan ng hustisya ang libu-libong mga inosenteng pinatay dahil sa madugong war on drugs.