Iginiit ng Department of Budget and Management (DBM) na ang paglalaan ng confidential and intelligence funds (CIF) sa Office of the President ay para sa pagpapanatili ng pambansang seguridad.
Sa mga pagdinig ng House Committee on Appropriations para sa FY 2025 proposed national budget, dinepensahan ni Secretary Mina Pangandaman ang P4.56 bilyon na pondo na wala naman ipinagbago mula noong 2022.
Paliwanag ng kalihim, napakahalaga ng confidential and intelligence funds upang makasali ang pangulo sa mga paggawa ng desisyon na high-level, sa pamamahala sa mga krisis, at sa pagtiyak na ang Pilipinas ay nananatiling ligtas at matatag laban sa panloob at panlabas na mga banta.
Aniya, kung wala ang mga pondong ito, mahahadlangan ang kakayahan ng pangulo na epektibong gampanan ang mga tungkuling ito.
Sinabi pa ni Pangandaman, bumaba ang CIF ng 16% sa 2025 National Expenditure Program kung ikukumpara sa 2024 General Appropriations Act (GAA).