Malaki ang tinapyas ng Senado sa confidential funds ng Department of Justice (DOJ) para sa taong 2024.
Sa gitna ng budget deliberation para sa P35.455 billion 2024 budget ng DOJ, inungkat ni Senate Minority Leader Koko Pimentel ang pagbaba ng confidential funds ng ahensya.
Mula sa orihinal na budget request ng DOJ sa P256 million para sa susunod na taon ay ibinaba ito ng mataas na kapulungan ng Kongreso sa P168 million.
Hindi aniya hamak na sobrang mababa ito kumpara sa P526 million na confidential funds ng DOJ ngayong 2023.
Natanong din ni Pimentel ang pagkakasama pa rin ng Witness Protection Program (WPP) sa confidential funds lalo’t mayroon naman palang P241 million na line-item budget sa ilalim ng witness protection subprogram kung saan P190 million dito ay nasa ilalim ng maintenance and other operating expenses.
Katwiran naman dito ni Senator Sonny Angara na siyang sponsor ng DOJ budget, na confidential o hindi maaaring isapubliko ang nature ng programa salig na rin sa RA 6981 o WPP and Benefit Act.
Samantala, ilan pa sa mga attached agencies na humihingi ng confidential funds ang Bureau of Immigration (BI), National Bureau of Investigation (NBI) at Office of the Solicitor General.