Confidential funds ng tanggapan ng presidente, bise presidente at DepEd, hindi ligtas sa pagbusisi ng COA

Tiniyak ng Senado na hindi pa rin ligtas sa pagbusisi ng Commission on Audit (COA) ang mga confidential at intelligence fund (CIF) ng Office of the President (OP), Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd).

Paliwanag ni Senator Sherwin Gatchalian, Vice Chairman ng Finance Committee ay mayroong reporting mechanism para sa pag-uulat sa COA at maging sa Kongreso sa kung paano at saan ginamit ang pondo.

Inihalimbawa ni Gatchalian ang mga lokal na pamahalaan na pinagsauli ng ginastos sa confidential at intelligence fund dahil hindi naaayon sa batas at patakaran ang paggugol sa pondo.


Sa P5.26 trillion na 2023 national budget, mayroong P4.5 billion na CIF sa tanggapan ng pangulo, P500 million sa OVP at P150 million naman sa DepEd.

Naniniwala naman si Gatchalian na Chairman ng Senate Committee on Basic Education na kailangan ng DepEd ng confidential fund lalo na’t maraming krimeng nagaganap din sa mga paaralan tulad ng child abuse, sexual harassment at maging iligal na droga.

Facebook Comments