Kinuwestiyon sa plenary deliberation ng Mababang Kapulungan ang confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) para sa taong 2023.
Mababatid na nasa 500 milyong piso ang confidential fund sa halos 2.3 bilyong pisong pondo ng OVP habang nasa 150 milyong piso naman ang confidential fund sa panukalang 710.6 bilyong piso pondo ng DepEd.
Kapag sinabing confidential funds ay hindi nakadetalye kung paano gagastahin ang pera.
Depensa naman ng sponsor ng budget ng OVP na si Davao de Oro 1st District Representative Maria Carmen Zamora, ilalaan ang confidential fund sa mga programang tutugon sa peace and order at national security.
Iminungkahi naman ni Albay 1st District Representative Edcel Lagman na ilagay na lamang ito sa mga programa o proyekto na nakaltasan ng pondo gayundin sa confidential fund ng DepEd kung saan i-rerealign ito para sa child protection program.
Binatikos naman ni Kabataan Representative Raoul Manuel ang hindi pagpapatuloy ng tanggapan ni Vice President Sara Duterte-Carpio ang ilang nasimulang proyekto ni dating Vice President Leni Robredo sa kabila ng mababang budget tulad ng COVID-19 recovery programs.
Sa kabila nito, Ipinauubaya na lamang ni Duterte-Carpio ang kapalaran ng pondo ng kaniyang mga hinahawakang tanggapan sa Kongreso kung saan mayorya rito ay kaniyang mga ka-alyado.