Inaasahang pipirmahan ng Philippine health at vaccine experts ang confidentiality data agreement kasama ang kanilang Russian counterparts bago simulan ang Phase 3 ng clinical trials ng ‘Sputnik V’ sa bansa.
Ayon kay Philippine Council for Health Research (PCHR) Executive Director Dr. Jaime Montoya, ipinakita ng Russian Manufacturer na Gamaleya ang Phase 1 at Phase 2, maging ang pre-clinical trials.
Sa ilalim ng kasunduan, matitingnan ang detalye ng mga Phase 1 at Phase 2 clinical trials ng ‘Sputnik V’.
Kapag nakita nila ang detalye ng mga naunang trials ay magsusumite sila sa Food and Drug Administration (FDA) para sa approval ng pagsasagawa ng Phase 3 clinical trial.
Paglilinaw ni Montoya, ang FDA approval ay iba sa approval ng Russian Government sa ‘Sputnik V’ dahil para lamang ito sa emergency use.
Una nang sinabi ng Department of Health (DOH), na kailangan pa ng masusing pag-aaral sa nasabing bakuna.