Manila, Philippines – Nadagdagan pa ang tala ng Department of Health ng kumpirmadong mga kaso ng mosquito borne disease na Japanese Encephalitis sa buong bansa.
Ayon kay Health Secretary Paulyn Jean Rosell Ubial, mula Enero hanggang Agosto ngayong taon, nasa 57 kaso na ng Japanese Encephalitis ang naitala ng DOH, kung saan 29 sa mga ito ay nagmula sa Pampanga.
Nasa limang tao na rin ang namatay dahil sa Japanese Encephalitis ang naitala ng ahensya.
Gayunpaman ayon sa kalihim, kung ikukumpara sa kaparehong panahon noong 2016, 72% na mas mababa ang bilang na ito.
Sa kasalukuyan ayon kay Ubial, bukod sa isinasagawa nilang surveillance para matukoy ang pattern na binubuo nito, pinagaaralan ngayon ng DOH na maging bahagi ang vaccine nito sa mga ipinamamahaging bakuna ng ahensya.
Inaantay na lamang aniya ng DOH na mairehistro sa DFA ang mga bakuna para sa Japanese Encephalitis, dahil sa kasalukuyan, bukod sa limitado lamang ang supply nito sa bansa ay may kamahalan rin ang presyo nito.
Ang Japanese Encephalitis ay sakit na nakukuha sa kagat ng lamok, ilan sa mga sintomas nito ay sakit ng ulo, lagnat at pagsusuka. Karamihan sa mga kaso ng JE ay mild cases lamang ngunit mayroong ilang kaso na nagdudulot ng kumplikasyon kabilang ang pamamaga ng utak na nagiging sanhi ng kamatayan.