Cong. Cullamat, binatikos ang militar sa pagbastos sa labi ng kanyang anak

Iginiit ni Bayan Muna Representative Eufemia Cullamat na hindi dapat ginagamit ng militar ang labi ng kanyang anak na si Jevilyn para i-red tag ang mga Makabayan congressmen at mga progresibong grupo.

Ayon kay Cullamat, umaapela siya ng respeto sa kamatayan ng kanyang anak, na namatay sa engkwentro sa pagitan ng tropa ng pamahalaan at ng New People’s Army (NPA) sa Marihatag, Surigao del Sur noong Sabado.

Aniya, wala awang ipinarada ng mga sundalo ang labi ng kanyang anak kasama ang mga nasamsam na armas at kagamitan ng NPA.


Dagdag pa ng mambabatas, ginamit pa ang labi ng kanyang anak bilang tropeyo at para sirain ang kanilang pamilya, organisasyon at kanilang tribo.

Nanindigan si Cullamat na desisyon ng kanyang anak na sumali sa NPA at hindi niya inimpluwensiyahan ito o ng Bayan Muna.

Ang kahirapan at pagmamalupit ng mga sundalo ang nagtulak sa kanyang anak na sumali sa komunistang grupo.

Samantala, iginiit naman ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Deputy Chief of Staff Rear Admiral Erick Kagaoan na hindi nila binastos ang mga labi ni Jevilyn.

Ginawa lamang ng mga sundalo ang kanilang tungkuling protektahan ang mga mamamayan.

Facebook Comments